...ngunit bakit 'di ko maisulat ang mga katagang magluluwal ng aking kalungkutan? Nais kong iluha ng aking panulat ang mga kinitil na pangarap, ang mga ugnayang nwasak, ang mga nwaglit na pangako at ang mga sandaling lumipad sa alapaap...subalit ipinagkakait ng aking diwa ang mga salita.
Marahil, hapo na ang aking katawan.
Nanuot na ang kalungkutan sa mga buto ko't kalamnan. Sinaid na nito ang aking lakas. Siniil hanggang maagnas ang bawat bahagi na aking kabuuan. Pinilit kong iunat ang aking kamay, ngunit ang mga daliri ko'y unti-unting dinurog ng kapaguran.
Marahil, bangag na ang aking isipan.
Sinakluban na ng kalungkutan ang mapaglaro kong utak. Hinigop na nito ang aking imahinasyon. Pinagod sa kahahanap ng sagot sa mga tanong na walang tiyak na hangganan. Pinilit kong hagilapin ang mga salita, ngunit ang mga salita'y isa-isang nawalan ng kahulugan.
Marahil, manhid na ang aking kaluluwa.
Dinukot na ng kalungkutan ang malaya kong puso. Kinuyom sa kanyang palad. Piniga hanggang ang lahat ng damdamin ay tumagas. Pinilit kong damhin ang pighati, ngunit ang mga imahe'y dahan-dahanh nilamon ng kawalan.
Nais kong magsulat ukol sa 'di tumitilang ulan, sa 'di makaunawang kadiliman, o kaya'y sa 'di matahak na daan... subalit lahat ng ito'y wala nang kabuluhan.
Ako'y hindi na ako.
Nakalulungkot...
(a repost)
Take A Bite!
...Stay a while... You were meant to come here. It's fate!